Nang hindi ko nalalaman at hindi man napaghahandaan,
Ang pagsusubok na yo'y bigla na lang nagdaan.
Ang sa unang akala'y lakad lang ng dalawang magkaibigan,
para pala sa kaniya'y iba ang siyang kahulugan.
Isa na pala iyong paraan upang matingnan,
Na kung magbabago man ang una na niyang napagpasiyahan.
Parang wala nga naman talagang laban ang tulad kong walang kamuwang-muwang,
Na todo ang pag-aalalang huwag niyang akalaing binibigyan ko ng kahulugan.
Aaminin ko, tuwang-tuwa ako nang kaniya akong inanyayahan.
Ngunit hindi ko akalaing kasama lang pala yun sa kaniyang mga pinagplanuhan.
Pilit kong pinipigilan na huwag nang lagyan ng kahit anong kulay,
Siya naman kasi nagsabi sa akin na wala naman nang ibang maitataglay.
Kaya't ayun ako, bulag sa katotohanan,
Tuwang-tuwa lang sa pagkakataong pinagbigyan.
Napakaraming salita ang hindi ko na lang binanggit,
Sa pag-aalalang baka ang mga sandaling iyon ay hindi na muling maulit.
Baka kasi ikatakot niya nanamam at ikagalit.
Ayoko na kasi munang sarili ko sa kaniya'y ipilit.
Nakakatawa minsan kung paano ka puwedeng mapaglaruan ng mundo.
Dahil anumang gawin mo, sa huli, ikaw pa rin ang sadyang natatalo.
Minsan gusto kong ipagdasal na sana wala na lang akong puso,
Para hindi na lang ako masaktan ng mga pangyayaring tulad nito.
Kaso, sa kabilang dako, napapa-isip rin talaga ako,
Na kung hindi sa mga katulad niya, para san pang naging tao ako?
Ano pa nga naman ang buhay kung wala kang pagdaraanang mga ganitong yugto,
Kung saan parang inapak-apakan, pinagkaisahan ang kabaitan mo?
Pero sa kabila ng lahat, ako pa rin ay kaniyang napangiti.
Makasama lang siya, isang hiling niya lang, kahit ano aking ipagpapalit.
Ganun lang siguro ang mga tulad kong tanga kung umibig.
Nasampal na sa mukha, durog na ang puso, ngunit hindi makatanggi.
Masaya rin nga pala ako na hindi ako nagkamali.
Na sa unang tingin ko pa lang, alam kong utak niya'y matindi.
Hindi niya man ipahalata, nag-iisip na pala siya.
Parang isang heneral na hindi pa natatalo sa giyera.
Lugi rin siguro ako kasi mayroon akong nararamdaman
Kung kaya't napakadali niya akong puwedeng maisahan.
Puwede rin sigurong manhid lang talaga ako.
Puwede ring sa kaniyang biglang pagyaya ay nagulat ako.
Kung may hinahanap siya noong mga sandaling iyon,
Alam kong ni anung kislap, wala siyang matutunton.
Ngayon, heto nanaman ako, nadali ng maling akala.
Dapat pala hindi na ako nag-isip pa't tinodo na.
Subalit hindi, kaya ito na lang ngayon ang nasa palaisipan,
Kung tingin mong alam kong "date" yun, sa'yo ko pa kaya pababayaran?
Huli na 'to kasi ayoko na sanang pag-gugulan pa,
Maraming, maraming salamat sa pagkakataong madapa.
Na kung sa pagitan mo'y gusto mong kalimutan yung maiksing panahon na yun na nagdaan,
Sa akin nama'y habang buhay ko pasasalamatan at panghahawakan.
No comments:
Post a Comment