Sala sa init, sala sa lamig. Minsan mabait, kadalasa'y kulang sa lambing.
Mahirap pumusta sa katulad mong magaling. Talo mo pang sugarol, ang hirap mong basahin.
Minsan iniisip ko kung sinasadya mo akong paikutin. Pinaglalaruan lang ako kaya't ang hirap mong paimikin
May mga oras naman madaldal ka pa sa pilosopo. Mga kwento mo puwede nang isalin sa libro.
Sundalo ka bang handa sa giyera't armado o anghel ka bang hulog ng langit para sagipin ako?
Ano ka pa man, ano pa mang pakay mo rito, hirap akong limutin na gandang-ganda ako sa'yo.
Sala sa init, sala sa lamig. Minsan sakto, kadalasa'y mahirap timplahin.
Hindi birong ika'y pangitiin at paamuhin. Hindi ganoon kadaling ika'y pakantahin.
Sadyang kakaiba ang iyong awitin, sa taas niya'y masmahirap pang abutin kaysa sa mga bituin.
Heto ngayon ako, nalilito sa'yo. Dapat ko pa bang paggugulan ng panahon ang lahat ng ito?
Dapat ko bang hintayin ang iyong pagsumamo o habang maaga pa lang, dapat na ba akong sumuko?
Bihag mo ang lokong ito, isang pahiwatig mo lang ang kailangan para makalaya na ako.